Sunday, June 28, 2009

Pananalig sa Diyos

Isang araw ng Linggo, kasama ko ang aking ina at kapatid na nagsimba. Naglakad kami patungo sa simbahan ng mahinahon. Hindi nagmamadali o sobrang bagal, tama lang. Sakto ang aming dating sa simbahan at nagsimula na ang misa.
Nagkwento ang pari. Ayon sa kanya, mayroong isang babae na dinudugo sa loob na ng labing dalawang taon. Natignan na siya ng mga doktor ngunit wala silang naitulong sa kanya at lalo pang napalala ang sakit niya. Isang araw, si Hesus ay nasa isang lugar. Pinagkaguluhan siya ng mga tao at nandun rin ang babaeng may sakit.
"Mahipo ko lang ang laylayan ng kanyang kasuotan ay gagaling na ako," ani niya. Nakipagsiksikan siya sa maraming tao at nang nakarating siya sa likod ni Hesus, hinipo nya ang damit Nito. Naramdaman niyang nawala ang kanyang sakit.
Nang siya'y papalayo na, hinanap ni Hesus ang humipo sa kanyang likod, "Sino ang humipo sa aking likuran?"
Nagtaka ang mga apostol at ang mga taong nakapaligid sa Kanya, "Bakit Niya pa hahanapin ang humawak sa likod Niya sa dami ng tao rito?"
Nanginig siya takot, hindi niya alam ang kanyang gagawin. Dahil sa kanyang takot, siya ay dumapa. Pinagtapat niya rin ang katotohanan. Binahagi niya rin ang kanyang paniniwala.
Ayon kay Hesus, ang dahilan ng kanyang paghahanap sa taong ito ay dahil ang kanyang paghipo ay kakaiba. Kakaiba sapagkat kumpara sa ibang humahawak sa kanya, ang paghipo niya ay may halong pananalig.
Sadyang makapangyarihan ang pananalig sa Diyos. Sa paglalakbay sa buhay, huwag kalilimutan ang pananalig sa Diyos. Hindi lamang sa kahirapan kundi pati sa mga ginhawa sa buhay.

No comments:

Post a Comment